Tiniyak ng House of Representatives kay United Nations Special Rapporteur Irene Khan, ang hindi matatawarang paninindigan para sa transparency, pananagutan, pagiging inklusibo at ang pagtataguyod ng mas magandang Pilipinas.
Mensahe ito ng mga mambabatas na humarap kay Khan sa pangunguna ni Zamboanga del Norte Rep. Glona Labadlabad na siyang chairperson ng Commttee on Inter-parliamentary Relations and Diplomacy.
Ayon kay Labadlabad, isang makasaysayang pag-uusap ang naganap na kumakatawan sa magkatuwang na paninindigan ng Kapulungan at UN para sa karapatang pantao, pagkakapantay-pantay at bukas na talakayan.
Sa naturang pulong ay tinalakay naman ni Committee on Justice chairperson Negros Occidental Rep. Juliet Marie Ferrer, ang mga panukala na may kaugnayan sa kalayaan sa opinyon at pamamahayag.
Tiniyak din ni Ferrer na gumagawa ng hakbang ang Kapulungan upang magarantiya ang kalayaan sa pamamahayag, impormasyon at ng press, alinsunod sa Konstitusyon ng Pilipinas.