Pagsusulong sa no-el at people’s initiative, dadaan sa butas ng karayom

Manila, Philippines – Naniniwala ang ilang mga kongresista na mahihirapan si House Speaker Pantaleon Alvarez na isulong ang no-election at people’s initiative para sa pag-amyenda ng konstitusyon.

Giit ni Gabriela Representative Arlene Brosas, wala namang panawagan para sa charter change at isang self-serving na hakbang lamang ito ng gobyerno.

Kinukwestyon din ng lady solon ang pondo para sa people’s initiative samantalang mas marami umanong proyekto ang dapat na pondohan ng gobyerno.


Para naman kay ACT Teachers Representative France Castro, halata aniyang desperado na ang Duterte Administration para sa pederalismo kaya kung anu-ano na lang ang paraan na inilalako sa publiko matuloy lamang ang cha-cha.

Sinabi naman ni Caloocan Representative Edgar Erice na malabo ang no-el at people’s initiative dahil kapos na sa panahon at oras at nais din ng taumbayan na matuloy ang halalan sa 2019.

Dagdag pa ng mga kongresista, maayos na pamumuhay, regular na trabaho at disenteng sahod ang nais ng mga Pilipino.

Facebook Comments