Pagsusumite ng medical certificate ng lahat ng nasa gobyerno, isinulong sa Senado

Inihain ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang Senate Resolution number 1818 o Panukalang Fit-to-Work Act.

Inoobliga ng panukala ang taunang pagsumite ng medical certificate ng lahat ng kawani at opisyal ng gobyerno bilang katibayan na wala silang karamdaman at kaya nang magtrabaho ng maayos at makapagserbisyo ng mahusay sa publiko.

Saklaw ng panukala ang lahat ng inihalal at itinalaga sa pamahalaan, mga casual o temporary employee, carrer o non-career service pati mga sundalo at pulis.


Base sa panukala, pwedeng gawin ang physical examination at laboratory test sa pribado at pampublikong pagamutan at ang resulta ay kailangang isailalim sa evaluation ng doktor ng gobyerno na siyang mag-iisyu ng medical certificate at deklarasyon na fit-to-work sila.

Paliwanag ni Sotto, hindi lang talino at kakayahan ang kailangan para makaganap sa tungkulin kundi pati rin ang maayos na kalusugan na kadalasan ay hindi napag-uukulan ng atensyon.

Facebook Comments