Inihayag ng Department of Health (DOH) na obligado pa rin ang mga doktor at health facilities na iulat ang tamang impormasyon sa mga kaso ng COVID-19 na nakuha gamit ang PCR o antigen.
Ito ang paalala ng DOH sa harap ng pagkakatala ng 877 na bagong kaso ng COVID-19 noong May 7 hanggang 13, 2024.
Sa mga bagong kaso na ito, pito ang kritikal habang lima ang namatay dahil sa naturang sakit mula April 30 hanggang May 13, 2024.
Sinabi ni DOH Spokesman Asec. Albert Domingo na makatutulong ang tamang pagre-report para makatulong sa pagdedesisyon.
Bagama’t may bahagyang pagtaas sa kaso, maliit lamang daw ito at mas mababa sa mga naunang naitalang pagtaas ng mga kaso.
Hanggang nitong May 12, 2024, 11% o katumbas ng 119 na COVID-19 ICU beds ang okupado habang 13% o katumbas ng 1,238 na non-ICU beds ang ginagamit ng mga tinamaan ng sakit.
Sa datos pa ng DOH, nasa 116 ang mga malala at kritikal na kaso ng COVID-19 ang naka-admit ngayon sa iba’t ibang ospital.