Iginiit muli ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon ang pagsusuot ng body cameras ng mga law enforcers.
Ito ay kasunod ng insidente sa pagitan ng pulis at ng isang residente sa isang subdivision sa Makati dahil sa isyu ng hindi pagsusuot ng mask ng kasambahay habang dinidiligan ang mga halaman sa labas ng kanilang tahanan.
Binigyang diin nito na kailangan na magsuot ng body cameras ng mga otoridad sa tuwing may gagawing operasyon bilang proteksyon na rin ng publiko at mismong mga tagapagpatupad ng batas.
Ayon kay Biazon, ang video na inilabas ng residente na si Javier Salvador Parra na nakabangga ng pulis ay nagbigay ng negatibong pagtingin sa mga otoridad.
Mabuti na lamang din at may isa pang video sa panig ng pulis na kung saan nakita naman na mahinahon itong nakipagusap sa residente bago naganap ang pag-aresto.
Kung may bodycams ang mga otoridad tuwing may operation ay tiyak aniya na maidodokumento ang tunay na pangyayari sa bawat insidente.
Giit ni Biazon, noon pang 2016 niya inihain ang panukala para sa pagkakaroon ng bodycams ng mga pulis pero hanggang sa ngayon ay hindi pa rin ito naipapasa ng Kongreso.