Pagsusuot ng face mask at paghuhugas ng kamay, inirekomenda ng infectious diseases expert laban sa “anthrax”; DA, pinawi naman ang pangamba ng publiko kasunod ng naitalang kaso sa Cagayan!

Inirekomenda ni infectious diseases expert Dr. Rontgene Solante sa publiko na panatilihin ang pagsusuot ng face mask at palaging maghugas ng kamay laban sa ‘anthrax.’

Ito ay matapos makitaan ang mahigit 20 katao sa Cagayan ng sintomas ng nasabing bacteria.

Ayon kay Solante, ang ‘anthrax’ ay posibleng makahawa sa pamamagitan ng direct contact at respiratory droplets.


Aniya, sa loob ng tatlo hanggang apat na araw ay mabilis ito kakalat at maaaring magkaroon ng severe pneumonia ang tatamaan nito.

Dagdag pa ni Solante, mapapataas din nito ang mortality rate kapag tumama sa tao.

Kasunod nito, sinabi ng eksperto na hindi kailangan mag-panic ang publiko, pero kailangan na agad kumilos para hindi na kumalat pa.

Kabilang sa mga sintomas nito ang paltos na nangangati; skin sore sa mukha, leeg, braso at mga kamay; lagnat; sakit ng ulo; pagkahilo; pananakit ng katawan; sore throat; pagsusuka; at pagtatae.

Samantala, tiniyak naman ng Department of Agriculture (DA) na walang dapat na ikapangamba ang mga mamamayan sa naitalang kaso ng “anthrax” sa Cagayan.

Una na rin sinabi ni Cagayan Governor Manuel Mamba sa interview ng RMN Manila, na mahigpit nilang imo-monitor ang sitwasyon ng mga apektado lalo na’t ang anthrax ay isang mapanganib na sakit na naipapasa sa tao.

Facebook Comments