Muling pinaalalahanan ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila ang lahat ng residente nito hinggil sa umiiral na ordinansa na nag-uutos sa pagsusuot ng “facemask”.
Ito’y dahil sa hindi pa nawawala ang pandemya dulot ng sakit na COVID-19.
Sa ilalim ng Ordinance No. 8627 (Mandatory Use of Facemask in Public Places), bawat indibidwal na nasa territorial jurisdiction ng lungsod ng Maynila ay kinakailangan na magsuot ng face masks.
Sa mga lalabag sa nasabing ordinansa ay pagmumultahin ng ₱1,000 para sa first offense, ₱2,000 para sa second offense, at ₱5,000 o isang buwan na pagkakabilanggo o parehong parusa para sa ikatlo at magkakasunod na paglabag.
Ang paalala ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ay bunsod ng dumaraming indibidwal sa lungsod ang hindi na nagsusuot ng facemask o kaya ay hindi tama ang pagsusuot nito.
Nabatid na sa huling datos ng Manila Police District (MPD), nasa 496 na indibidwal ang kanilang nasita dahil sa walang suot na face mask.
Batay naman sa datos ng Manila Health Department, nasa 69 ang naitalang aktibong kas at nangunguna dito ang area ng Sampaloc sa pinakamaraming kaso na nasa 14 kung saan sinundan ito ng area ng Tondo 1 at Sta. Mesa na kapwa nasa 9 na kaso.
Dahil dito, nanawagan ang lokal na pamahalaan sa publiko partikular na sa Manileño na sumunod pa din sa umiiral na minimum health protocols at magkusang-disiplina na din upang hindi mahawaan ng sakit.