Pinag-usapan ng netizens ang pagsusuot ng GMA News anchors ng mga damit na kakulay ng logo ng ABS-CBN sa live newscast noong Martes ng gabi.
Lagpas 8,000 likes na ang Facebook post ni Robert Terranz na nakapuna sa suot ng tatlong anchor ng primetime news program na 24 Oras na sina Pia Arcangel, Vicky Morales, at Atom Araullo.
Makikita sa larawan si Arcangel na nakasuot ng blue at red dress, green dress kay Morales, habang naka-blue suit naman si Araullo.
Red, green at blue ang kulay ng tatlong bilog sa logo ng ABS-CBN na sumisimbolo sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
“Did… did the 24 Oras reporters really wear ABS-CBN’s theme colors??? Is this a coincidence??? Is this media solidarity??? My heart is soft,” saad ni Terranz sa post.
Kasalukuyang kinahaharap ng ABS-CBN ang hindi pa rin pagdinig ng Kongreso sa pagpapalawig ng kanilang prangkisa na mapapaso na sa susunod na buwan, Marso 30.
Gayunpaman, batay sa source ng Philippine Entertainment Portal (PEP), nagkataon lamang na kakulay ng logo ng nasabing network ang suot ng tatlong anchor.
Nabigyan lamang umano ito ng ibang pagpapakahulugan at naikabit sa isyu ngayon ng kabilang network, ayon sa GMA News insider.