Pagsusuri sa CCTV Footage ng Pamamaril Malapit sa Cauayan City Hall, Hinihintay pa ng Kapulisan

(Update) Cauayan City, Isabela – Inaantabayanan pa ng PNP Cauayan ang pagsususri sa CCTV footage na nakahagip sa insidente ng pamamaril na naganap malapit sa city hall ng Cauayan City.

Ito ang napag alaman sa ginawang panayam ng RMN News Team kay PSupt Narciso Paragas, ang hepe ng PNP Cauayan kaugnay sa pamamaril kina Socrates Bala Sr at Catherine Rotas noong gabi ng Oktubre 9, 2017.

Ayon kay PSupt Paragas, ang meron sa kanila ngayon ay ang impormasyong nakabonete ang dalawang suspek na sakay sa isang motorsiko.


Dalawang CCTV footage ang isinumite ng PNP Cauayan sa PNP Anti Cyber Crime Unit na nakabase pa sa Kampo Krame mula sa city hall at sa katabing establisyemento na Lucky 99.

Kasama sa gagawin sa forensic examination ng PNP ay ang “image enhancement” para makilala ang mukha ng mga bumaril.

Samantala, hirap din ang PNP Cauayan sa pangungumbinse sa mga nakakita ng krimen dahil sa tikom ang kanilang bibig at maging ang kapamilya ng mga biktima ay hindi masyadong nakikipag-ugnayan sa lokal na kapulisan dahil sa suspetsang pulis umano ang gumawa nito.

Sinabi pa ni PSupt Paragas na buwan ang aantayin para sa forensic examination dahil maraming nakapila pa na susuriin ng naturang PNP unit.

Magugunitang ang biktima na si Socrates Bala Sr y Ramos ay isang Tokhang Surrenderee noong 2016 at si Catherine Rotas ay posibleng nadamay lamang sa naturang krimen.

Facebook Comments