Tiyak na tataas ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Maynila dahil sa patuloy na mass testing operations na ginagawa ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Manila City Vice Mayor Maria Sheilah Lacuna-Pangan, dahil sa mass testing operations, mas mabilis na natutukoy at naihihiwalay ang mga infected resident mula sa kanilang komunidad.
Base sa datos ng Manila Health Department, umabot na sa 41,458 rapid tests at 7,328 swab tests ang naipatupad hanggang noong Biyernes.
Gayunman, tiniyak ng bise alkalde sa publiko na hindi magkukulang ang test kits sa kabila ng pagpupursige ng lokal na pamahalaan na magsagawa ng COVID-19 testing.
Dagdag pa nito na kapag ganap ng operational ang sariling COVID-19 testing laboratory sa Sta. Ana Hospital, kaya nitong makapag-proseso ng halos 200 swab tests sa kada araw.