Pagtaas ng COVID cases sa PNP, walang kinalaman sa ginanap na pista ng Itim na Nazareno

Itinanggi ni Philippine National Police Administrative Support for COVID-19 Task Force (PNP-ASCOTF) Commander Police Lieutenant General Guillermo Eleazar na may kinalaman sa nakalipas na pista ng itim na Nazareno sa pagtaas ng COVID cases sa kanilang hanay.

Batay sa ulat ng PNP-ASCOTF, umabot na sa 9,621 ang COVID cases sa buong PNP, nadagdagan pa ito ng panibagong 26 cases.

Pero paliwanag ni Eleazar, karamihan sa mga pulis na nadagdag na positibo sa COVID-19 ay mga nakatalaga sa mga probinsya at hindi nanggaling sa mga pulis na idineploy sa pagdiriwang ng pista ng Itim na Nazareno sa Quiapo sa Maynila.


Matatandaang inihayag ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Brigadier General Vicente Danao Jr., na isasailalim nila sa COVID-19 swab test ang mga pulis na itinalagang mag-secure sa kapyestahan ng Itim na Nazareno na aabot sa 4,500 pulis para matiyak na walang nahawa ng virus.

Samantala, aabot na sa 9,098 ang recoveries sa hanay ng PNP kung saan may nadagdag na 11 habang nananatili sa 28 ang namatay na pulis dahil sa COVID-19.

Facebook Comments