Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 7836 na magbibigay ng mas pinaigting na proteksyon sa mga kabataan laban sa rape, sexual exploitation at mga pang-aabuso.
Sa botong 207 na pagsang-ayon at 3 namang tutol, ay itinataas ng panukala ang edad para sa statutory rape at iba pang uri ng sexual abuse at exploitation.
Inaamyendahan ng panukala ang Republic Act No. 3815 o ang Revised Penal Code at Republic Act 7610 or the “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.”
Sa ilalim ng panukala, ang krimen sa statutory rape ay nagawa kung ang biktima ay 16 na taong gulang pababa o 16 na taong gulang pataas at mayroong physical, mental o psychological disability o condition ang menor de edad.
Sa kasalukuyan kasi ay nasa 12 taong gulang lamang ang edad ng pagdetermina sa statutory rape.
Mahaharap sa parusang reclusion perpetua o habambuhay na pagkakabilanggo ang mga lalabag sa oras na ito ay maging ganap na batas.
Nakasaad din sa panukala ang pagtuturo at pagmulat sa mga tahanan, paaralan at komunidad ng mga kinakailangang pag-iingat upang maiwasan ang mga ganitong uri ng pang-aabuso o krimen sa mga kabataan.