Pagtaas ng HIV-AIDS sa bansa ngayong may pandemya, pinangangambahan

Nababahala si Anakalusugan Rep. Mike Defensor sa posibleng pagtaas ng kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) sa bansa ngayong panahon ng pandemya.

Sa gitna na rin ng selebrasyon ng World AIDS Day, sinabi ni Defensor na naapektuhan ng COVID-19 crisis ang paglaban ng bansa sa HIV-AIDS dahil libo-libong Pilipino ang hindi nasusuri at marami rin ang hindi nagagamot ngayon.

Tinukoy ng kongresista ang datos mula sa National AIDS Registry, kung saan lumabas na mula April hanggang June 2020 o sa kasagsagan ng lockdown ay nasa 934 lamang ang naitalang bagong HIV cases sa buong bansa.


Mas mababa ito ng 68% mula sa 2,938 na naitala sa parehong panahon noong isang taon.

Sa kabuuan, mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon ay nasa 5,627 lamang ang mga bagong kaso ng HIV, mas mababa ng 42% kumpara sa 9,749 cases na nadiskubre sa loob ng siyam na buwan noong 2019.

Aniya pa, dahil marami ang hindi nasusuri at hindi nagagamot, malaki ang posibilidad na lalo pang kumalat ang HIV dahil sa sexual contact nang hindi nalalaman.

Facebook Comments