Pagtaas ng kaso ng child abuse at domestic violence, pinangangambahan

Pinakikilos ni Agusan del Norte Representative Lawrence Fortun ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ang mga local social welfare workers na maging alerto pa rin sa mga pamayanan laban sa anumang uri ng pangaabuso sa gitna ng lockdown na ipinatutupad ng pamahalaan.

Nababahala si Fortun sa posibleng pagtaas ng bilang ng sexual abuse, child abuse at domestic violence dahil nasa kanilang mga tahanan lamang ang lahat ng mga myembro ng pamilya.

Karaniwan din aniyang nangyayari ang mga pangaabuso sa mga kababaihan at sa mga kabataan sa mga dikit-dikit na bahay at highly-congested communities.


Dahil sa hirap sa buhay at sa limitadong paraan ng mga pagkakakitaan, nangangamba ang kongresista na baka itulak ng ilang mga magulang, kaanak o kakilala ang mga kabataan sa sexual exploitation, human trafficking at cybersex.

Hiniling ni Fortun, na isa ring abogado, sa DSWD at sa mga LGUs na payagan ang mga social workers na tutukan ang mga ganitong posibleng pang-aabuso sa mga komunidad sa kabila ng mahigpit na enhanced community quarantine.

Tinukoy pa ng kongresista na may mga pagkakataon na ang salarin sa child sexual abuse at adolescent pregnancy ay kamag-anak o kilalang kapitbahay ng biktima.

Facebook Comments