Cauayan City, Isabela-Bahagyang tumaas ang insidente ng pamemeste ng brown planthopper sa ilang bayan sa Isabela.
Batay sa ulat ng Department of Agriculture Region 2, kabilang ngayon sa mga apektado ang San Mateo, Alicia, Cabatuan at Santiago City.
Isang seryosong peste na maituturing na labis na namiminsala sa mga palayan o mas kilala bilang “ulmog”.
Ilan sa mga pinsalang dulot ng brown planthopper ay ang pagsipsip sa katas ng palay dahilan ng pagkatuyo o hopperburn kung sobrang dami.
Mula sa 300 hanggang 400 bilang ng brown planthopper ang naitatala sa isang puno ng palay bago tuluyang matuyo.
Kabilang rin ang mga ito sa nagdadala ng sakit na virus tulad ng grassy stunt at rugged stunt kung saan 40-60% ng aning palay ang nababawas.
Kaugnay nito, dumarami ang planthopper sa dikit-dikit na pananim at malalaki na puno ng palay.
Ayon pa sa ulat ng ahensya, ang dahilan ng pagdami ng pesteng ito ay ang maaga at sobrang paggamit ng insecticide ay maaaring maka adopt o makadevelop ng resistant sa pesticide na maaaring maging dahilan ng mas malalang pagdami ng mga ito; sobrang paglalagay ng pataba, laging babad o lubog sa tubig ang palay- gustong gusto ng mga ulmog ang matubig na palayan, pagtatanim ng variety ng palay na mahina laban sa brown planthopper at paulit-ulit ang variety na itinatanim.
Ilan naman sa mga inirerekomendang pamamahala ng brown planthopper bago magtanim ay ang maayos at masusing paghahanda ng lupa, magtanim ng mga resistensyang variety laban sa brown planthopper tulad ng PSB Rc 34, PSB Rc 32; makipag sabay ng taniman sa inyong lugar upang hindi magpalipat-lipat ang brown planthopper mula sa naani na palay sa bagong tanim na palay.
Samantala,kapag nakita na dumadami ang populasyon ng brown planthopper ay kailangang magsagawa ng alternate wetting and dry irrigation upang mabawasan ang dami ng brown planthopper.
Kailangan rin na iwasan ang sobrang paglalagay ng nitrogen dahil pinapaberde nito at pinapalambot ang palay na gustong gustong atakihin ng brown planthopper.
Kung wala pang 30-40 araw ang itinanim, huwag maglagay ng kahit anong insecticide dahil sa ganitong panahon nagsisimulang dumami ang insekto na siyang kumokontrol sa pagdami ng pesteng insekto.
Muli namang ipinaalala ng ahensya na ang paggamit ng insecticide ay huling pamamaraan lamang at gamitin kung kinakailangan.