Nagpaliwanag ang mga nagtitinda ng manok sa Agora Public Market sa San Juan City na makatwiran lang ang P190 hanggang P200 na bentahan sa kilo ng manok.
Ito ay kahit pa sinabi ng Department of Trade and Industry (DTI) na P160 hanggang P170 lang dapat ang tamang presyo sa kada kilo ng manok.
Ayon kay Marivic Musa vendor sa Agora Market, nagkaisa sila na magtakda lang nang parehong presyo.
Malulugi raw kasi sila kung hindi itataas sa P190 hanggang P200 ang bentahan.
Giit ni Musa, mataas ang bagsak sa kanila kaya naman wala silang magawa kundi ipasa lang ito sa mamimili.
Sa ngayon kasi anila, ang puhunan nila ay P170 na sa whole chicken.
Dagdag pa ni Musa, marami rin ang humihingi ng discount at pinagbibigyan naman nila ito kaya malaki na ang bawas sa kanilang kita.