Pagtaas ng singil sa kuryente, dapat suspendihin ng ERC at mga power companies

Muling nanawagan si Senator Risa Hontiveros na suspendehin ang lahat ng napipintong power rate hike sa bansa hanggang sa pagtatapos ng imbestigasyon ng Senate Committee on Energy sa rotational blackouts noong Mayo at Hunyo.

Pahayag ito ni Hontiveros matapos inanunsyo ng Meralco na magpapatupad na naman ito ng panibagong pagtaas sa rate sa buwan ng Setyembre dahil diumano sa pagtaas ng generation charge.

Ito ay kasabay ng pagbulusok pataas ng inflation rate ng bansa sa 4.9 percent dahil sa mas mataas na presyo ng bilihin.


Ayon kay Hontiveros, dapat munang i-disallow ng Energy Regulatory Commission o ERC ang kahit anong pagtaas ng power rate hanggang hindi pa natatapos ang imbestigasyon ng Senado sa mga blackout na nakaapekto sa P705,000 kabahayan at nagdulot ng P116 million na economic loss.

Giit ni Hontiveros, dapat magkaroon ng “due consideration” ang ERC at mga power companies sa mga konsumer, lalo na’t wala pang paliwanag o danyos ang naibigay sa publiko ukol sa mga blackout nitong mga nakalipas na buwan.

Diin ni Hontiveros, kung papayagan itong rate hike ay anim na buwan nang tumataas ang singil sa kuryente kaya kawawa ang mga pamilyang hindi na alam kung paano makaka-sabay sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng pagkain at ibang pangunahing bilihin sa gitna ng pandemya.

Facebook Comments