Pagtaas ng teen pregnancy sa bansa, tinalakay ng Senado

Tinalakay sa Senado ang nakakaalarmang pagtaas ng bilang teenage pregnancy sa bansa.

Iginiit sa pagdinig ni Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality Chairman Senator Risa Hontiveros na tungkulin at may responsibilidad silang mga mambabatas at mga namumuno sa mga ahensya ng gobyerno sa mga kabataang maagang nagiging magulang.

Kinakailangan aniyang ayusin ang kasalukuyang legal framework para mabigyang remedyo ang tumataas na bilang ng adolescent pregnancies at maiwasan ang mga kaso ng maagang pagbubuntis sa mga kabataan.


Nababahala si Hontiveros dahil sa kabila ng pagbaba sa porsyento ng mga teenager na edad 15 hanggang 19 anyos na nabubuntis, lumulobo naman ngayon ang mga batang babaeng nagdadalantao na nasa edad sampu hanggang 14 na taong gulang.

Sa taong 2021, ang mga batang babae na nanganganak ay tumaas mula sa 2,113 noong 2020 sa 2,299 noong 2021.

Sinabi ng senadora na may mga hakbang nang ginagawa ang ilang lokal na pamahalaan para makontrol ang adolescent pregnancies pero ngayon ay higit na kailangan ng pambansang polisiya na titiyak na lahat ng mga kabataang Filipino ay sakop ng mga programa na magbibigay solusyon sa umuusbong na problema.

Facebook Comments