Pagtaas ng teenage pregnancy sa bansa, pinasisilip sa Kamara

Pinasisiyasat ng Makabayan sa Kamara ang nakakabahalang pagtaas ng teenage pregnancies sa bansa.

Sa inihaing House Resolution 1571 ay binibigyang direktiba ang House Committee on Population and Family Relations na imbestigahan ang pagtaas sa bilang ng maagang pagbubuntis ng mga kabataang may edad 15 anyos pababa.

Tinukoy sa panukala na sa kabila ng halos dekada ng pagpapatupad ng RA 10354 o Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012, ay hindi pa rin napipigilan ang ‘unwanted pregnancies’ sa mga teenagers na ngayong may pandemya ay ikinukunsiderang “national at social emergency”.


Batay sa tala ng Commission on Population and Development (POPCOM), tumaas ng 7% ang hindi inaasahang pagbubuntis ng mga kabataang may edad 15 taong gulang pababa noong 2019.

Naitala rin ang rate na pitong pagbubuntis sa bawat araw at umabot sa 2,411 na mga babaeng may edad 11 hanggang 14 years old ang nanganak din sa nasabing taon.

Tumaas din ng bahagya ang bilang ng mga teenage mother kung saan mula sa 62,341 ay nasa 62,510 na ito noong 2019.

Tinukoy sa resolusyon na ngayong may COVID-19 pandemic ay isang major health issue ang maagang pagbubuntis lalo na sa marginalized sector dahil kulang sila sa access sa family planning methods, health services at iba pang mahahalagang serbisyo at impormasyon pagdating sa reproductive health.

Facebook Comments