Iminungkahi ni Senator Grace Poe ang ilang mga solusyon para matugunan ang pagtaas sa bilang ng mga Pilipinong ‘jobless’ o walang trabaho.
Kaugnay na rin ito ng panibagong naitalang pagtaas ng unemployment rate noong December 2022 na nasa 4.3 percent o katumbas ng 2.2 million na mga Pilipinong walang trabaho batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon kay Poe, ang mataas na inflation rate at unemployment rate ay nakamamatay na kombinasyon.
Bunsod nito ay hinimok ni Poe ang pamahalaan na mag-focus at maglatag agad ng epektibong solusyon para mapanatili ang paglago ng economic activities at mabigyan ng trabaho ang mga Pilipino.
Tinukoy ni Poe ang pagpapatupad ng Public Services Act na layong makahikayat ng mga mamumuhunan na susuporta sa job generation at magdadala ng de kalidad na serbisyo sa mga consumer.
Hiniling din ng senadora na palakasin ang financial at technical assistance sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) para palakasin ang sektor na bumubuo sa 90 percent ng mga negosyo sa bansa.
Pinabubukas din sa investments ang agriculture sector na inaasahang makakalikha ng libu-libong trabaho at magbibigay daan para sa food security ng bansa.