Pagtaas sa edad ng statutory rape, aprubado na sa committee level ng Kamara

Aprubado sa House Committees on Revision of Laws at Welfare of Children ang substitute bill na layong itaas ang edad para sa statutory rape.

Sa ilalim ng panukala ay itataas na sa 16 taong gulang mula sa kasalukuyang 12 taong gulang ang edad para sa statutory rape, anuman ang sexual orientation ng mismong offender o ng biktima.

Paliwanag ni Tingog Party-list Rep. Yedda Marie Romualdez, isa sa may-akda ng Increasing the Age of Sexual Consent, ang sinumang nakatatanda o adult na makikipagtalik sa isang 16-anyos pababa ay mahaharap sa kasong rape kahit pa may pahintulot ng menor de edad ang nasabing sexual act.


Layunin ng nasabing panukala na paigtingin ang pagbibigay proteksyon sa mga kabataan laban sa sexual exploitation at sexual abuse.

Mahaharap sa parusang reclusion perpetua o habambuhay na pagkakabilanggo ang mga lalabag sa oras na ito ay maging ganap na batas.

Nakasaad din sa panukala ang pagtuturo at pagmulat sa mga tahanan, paaralan at komunidad ng mga kinakailangang pag-iingat upang maiwasan ang mga ganitong uri ng pangaabuso o krimen sa mga kabataan.

Facebook Comments