Iginiit ni Senator Risa Hontiveros na walang ibang dapat na sisihin ang Department of Agriculture (DA) sa pagtaas ng presyo ng bigas kundi mismong ang kanilang ahensya.
Isinisisi ng senadora ang pagtaas sa presyo ng bigas sa kawalan ng kakayahan ng liderato ng DA at National Food Authority (NFA) dahilan kaya mayroong problematic policies at bagsak ang agricultural supply ng bansa.
Binigyang diin ni Hontiveros na walang ibang dapat na sisihin sa nasabing problema kundi ang mga nabanggit na ahensya.
Aniya, hindi na dapat pa naghahanap ng ibang may sala ang Malakanyang dahil ang mismong pangunahing maysala ay nasa loob mismo ng DA.
Sinabi pa ng senadora na dapat nang kilalanin ngayon ng DA ang central role nito sa gitna ng nakakaalarmang pagtaas sa presyo ng bigas.
Batay sa mga ulat, ang presyo ng bigas ay pumalo na sa P56 ang kada kilo at isinisisi ito ng DA sa mga bagay na labas na sa kanilang kontrol.
Pero, tinukoy ni Hontiveros na ang panghihimasok ng DA sa implementasyon ng Food Safety Act ay nagpabagal sa rice importation na nagresulta sa mababang inventories dahilan kaya hindi napunan ang kakulangan sa suplay na nauwi sa pagtaas ng presyo ng bigas.