Pinapupunan agad ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate ang mga bakanteng posisyon sa ilalim ng Department of Justice (DOJ).
Sa budget hearing ng DOJ sa House Committee on Appropriations, sinita ni Zarate ang pagbabago sa staffing requirement ng ahensya para sa 2020 at 2021 sa kabila ng pag-angat ng pondo para dito.
Aniya sa 2020 General Appropriations Act, P6.8 billion ang pondo ng DOJ habang itinaas ito sa ₱7.2 billion para sa 2021 ngunit mahigit 5,000 lamang ang napunan sa 6,500 na plantilla positions.
Paglilinaw naman ni Justice Usec. Juliana Sunga na nabawasan na ito ng 20% at inalis na rin ang 800 positions na isinumite sa Office of the President para sa prosecution services na hindi naman naisama ng budget department sa kanilang update.
Para sa 2021, nasa kabuuang ₱22.5 billion ang inaprubahang panukalang pondo ng DOJ kasama na ang mga attached agencies nito.