Pagtakas ng Dalawang Binatilyo sa Bahay-Pag-asa, Pinaiimbestigahan Na!

Cauayan City, Isabela- Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng kapulisan sa naganap na pagtakas ng dalawang menor de edad sa Bahay Pag-asa, San Pablo, Cauayan City kamakailan.

Sa kinalap na impormasyon ng RMN Cauayan, nagpaalam umano sa tagabantay ng naturang gusali ang dalawang disi siyete anyos na binatilyo na itinago sa pangalang “Bong-bong” at “Ken-ken” na maglalaba subalit hindi na bumalik ang mga ito.

Nang malaman ng mga otoridad ang pagtakas ng dalawang menor de edad ay agad umano nilang hinanap ang mga ito subalit si “Ken-ken” lamang ang kanilang napabalik.


Sa panayam ng RMN Cauayan kay Deputy Chief Antonio De Luna ng Public Order Safety Division (POSD) ng lungsod ng Cauayan na sinibak muna ang dalawang nakatalagang POSD members na nagbantay noong mangyari ang pagtakas ng dalawang binatilyo.

Samantala, sa ginananap na session ng mga Sanguniang Panlungsod dito sa lungsod ng Cauayan ay kanilang napagkasunduan na paiimbestigahan ang dahilan kung bakit may mga nakatakas sa Bahay- Pag-asa.

Sa ngayon ay tikom muna ang bibig ni Sangguniang Panlungsod Cynthia Uy Balayan na may hawak sa Committee on Social Services hinggil sa naturang pagtakas ng dalawang binatilyo.

Facebook Comments