Pagtakas sa quarantine facility sa Pasay ng isang Pinoy balikbayan, pinaiimbestigahan na ni Mayor Rubiano

Inatasan ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano si Pasay Chief of Police Col. Cesar Paday-os na magsagawa ng imbestigasyon sa pagtakas ng isang Filipino balikbayan sa isang quarantine facility sa Pasay City.

Kinilala ang Pinoy balikbayan na si Igor Mocorro na dumating sa bansa mula Los Angeles, California, USA.

Si Mocorro ay tumakas noong January 3 sa Sogo Hotel sa Roxas Boulevard sa Pasay.


Agad naman na nagsagawa ng follow-up investigation ang Pasay City Police at pinuntahan ng mga otoridad ang idineklara nitong address sa Unit 3 No. 1247 Estrada St., corner Taal St., Malate, Manila para kumbinsihin na bumalik sa quarantine facility.

Gayunman, ang naabutan ng mga pulis ay ang kaibigan nitong si Joren John Ubaldo.

Ayon kay Ubaldo, hindi niya alam ang kinaroroonan ngayon ng balikbayan at huli silang nagkausap limang oras na ang nakakalipas.

Tiniyak naman ni Ubaldo na kapag na-contact niya si Mocorro ay agad niyang ipapaabot ang mensahe ng mga otoridad na bumalik sa quarantine facility at kapag hindi siya tumalima ay kakasuhan siya ng gobyerno.

Mabilis namang nakarating sa balikbayan ang mensahe at kaagad itong sumuko at ibinalik sa quarantine facility.

Facebook Comments