Itatakda sa Pebrero ang pagtalakay ng Senado sa panukalang Maharlika Investment Fund matapos na maaprubahan ito sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara.
Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, ngayong naka break ang sesyon ng Kongreso ay sa January 23, o sa kanilang pagbabalik sesyon pa maisusumite ng Kamara sa Senado ang kopya ng aprubadong bersyon ng Mababang Kapulungan.
Pag naisumite na sa Senado ay sasailalim pa ito sa pagbusisi sa mga komite ng Senado kung saan ito itatalaga kabilang ang Committee on Banks bilang pangunahing komite, at Committees on Government Owned and Controlled Corporations, Ways and Means, at Finance bilang mga secondary committees.
Pagkatapos nito ay saka pa lamang ito maise-schedule para sa committee hearing.
Iginiit ng Senate President na iginagalang nila ang committee system sa mataas na kapulungan at pag aaralan nilang mabuti ang panukala sa mga pagdinig sa komite at debate sa plenaryo.
Punto pa ni Zubiri, ang magiging bilis sa pagpapatibay ng sovereign investment fund ay nakasalalay sa abilidad ng Committee Chairman at kalidad ng trabahong mabubuo sa mga pagdinig at debate.