Sinimulan na ng Senado ang pagtalakay sa plenaryo ng committee report number 10 ng House Bill 4488 o ang ₱5.268 trillion na 2023 national budget.
Sa budget sponsorship ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara, sinabi nito na malinaw ang mensahe ng pangulo para sa budget kung saan dapat alinsunod sa layunin ng administrasyon ang bawat pisong gagastusin sa 2023 budget.
Sa ₱5.268 trillion na 2023 national budget, ₱1.59 trillion ay automatic appropriations, ₱3.671 trillion ang programmed new appropriations habang ₱588 billion ang unprogrammed o iyong mga wala pang tukoy na pagkukunan ng pondo.
Kabilang sa magiging pangunahing prayoridad ng pambansang pondo ang isinusulong na ‘food security’ ng Marcos administration kung saan ang Department of Agriculture (DA) at mga attached agencies nito ay makakatanggap ng ₱179.76 billion na pondo o 39.5% ang itinaas mula sa alokasyon ngayong taon.
Sa araw-araw ay tinatayang gagastos ang gobyerno ng ₱14.4 billion kung saan ₱10 billion ay suportado ng revenues o kita ng pamahalaan habang ang ₱4.4 billion ay deficit na kailangang pondohan mula sa uutangin ng pamahalaan.
Umapela si Angara ng ‘smart budgeting’ kung saan wala dapat na masasayang o mabibitin sa paggugol ng pondo.
Kabilang din sa nag-sponsor sa 2023 budget sina Senators Loren Legarda, Pia Cayetano at Christopher “Bong” Go.
Simula bukas ay iraratsada na ang marathon sessions para sa debate at interpelasyon sa budget kung saan umaga pa lang ay uumpisahan na ang sesyon.