Dating Pangulong Rodrigo Duterte, wala umanong motibo para ipapatay si Percy Lapid ayon sa isang senador

Malabo umanong sabit si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) sa pagpatay sa radio broadcaster na si Percy Lapid.

Ito ay kahit pa kabilang si dating PRRD sa 160 “persons of interests” na tinukoy ng mga awtoridad na mga binanatan ni Lapid sa kanyang programa.

Giit ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa, walang motibo si dating Pangulong Duterte na ipapapatay si Lapid lalo ngayon na wala naman na ito sa posisyon.


Aniya, kung talagang gustong ipapaslang ni Duterte si Lapid ay bakit hindi noon ito ginawa na siya pa ang presidente at nasa kanya pa ang lahat ng kapangyarihan at resources.

Kung political career naman ang pag-uusapan, wala na aniya nito ang dating pangulo dahil nagretiro na nga kaya malayong ito ang motibo.

Dagdag pa ni Dela Rosa, sa “degree of interests” pa lang tulad ng motibo, instruments at opportunity ay wala na nito si Duterte.

Sinabi pa ng senador na hindi rin dapat tumigil sa paghahanap ng mga salarin ang mga awtoridad lalo na kung may makita silang bagong anggulo ngunit kung wala naman na matapos masampahan na ng kasong murder sina suspended Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gerald Bantag at iba pa ay kawawa naman ang ibang nadadamay lang sa kaso.

Facebook Comments