Cauayan City, Isabela- Kasalukuyan ang ginagawang imbestigasyon ng PNP Tuguegarao City sa pagkamatay ng isang 89-taong gulang na suspected COVID-19 patient na tumalon mula sa ikatlong palapag ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC).
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PLt. Isabelita Gano, tagapagsalita at PCR Head ng Tuguegarao City, pupuntahan ng kapulisan ang pamilya ng matandang babaeng pasyente upang kausapin at ipaalam ang naturang insidente.
Ayon kay PLt Gano, batay sa kanilang inisyal na imbestigasyon, dakong alas 2:00 kaninang madaling araw nang mangyari ang insidente kung saan tumalon ang naturang pasyente mula sa 3rd floor ng naturang ospital at bumagsak sa ground floor na semento na sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Aniya, nais nang umuwi ng pasyente noong May 10, 2020 subalit nang dahil siya ay inoobserbahan sa ospital bilang isang suspected covid-19 patient ay hindi ito pinayagang umuwi ng ospital.
Sa ibinahaging impormasyon naman ng PIA Region 02, iniimbestigahan na rin ng mga opisyal ng CVMC ang naturang insidente.
Ayon kay Dr. Glenn Matthew Baggao, hepe ng ospital, bandang alas tres nang malaman na tumalon ang matandang babaeng pasyente sa bintana ng kanyang silid.
Ang pasyente ay taga Tuguegarao City at na-admit sa CVMC noong May 3 mula sa St. Paul Hospital dahil nagpapakita ito ng mga sintomas ng COVID-19.
Ayon kay Baggao mayroong severe acute respiratory infection, ischemic heart disease, pneumonia at senile dementia ang pasyente.
“Maaring depresyon ang dahilan ng pagtalon ng matanda dahil wala silang makausap sa kanilang silid sa COVID ward,” pahayag ni Dr. Baggao.
Inihayag din nito na kada-oras umanong minomonitor ng mga nurse ang kalagayan ng kanilang mga pasyente subalit dahil sa nangyari ay maglalatag na ang ospital ng bagong panuntunan sa oras ng pagmonitor ng mga nurse sa lahat ng pasyente.
Pag-aaralan na rin ng ospital ang mga paraan para hindi maulit ang kalunus-lunos na sinapit ng pasyente.
Kagabi ay kinumpirma ni Baggao na nag-negatibo na sa kanyang swab retest ang pinakahuling confirmed case ng CVMC na isang health worker kung kaya pawang mga suspected cases nalamang ang inaasikaso ngayon sa ospital.