Cauayan City, Isabela- Maswerteng walang naging pinsala sa sektor ng imprastraktura ang nangyaring pagtama ng Bagyong Siony sa lalawigan ng Batanes.
Ayon kay PDRRMO Head Roldan Esdicul, may dalawang pamilya ang isinailalim sa pre-emptive evacuation mula sa Brgy. San Joaquin, Basco, Batanes bago ang inaasahang landfall ng bagyo sa lugar.
Bagama’t wala pang nailalabas na datos ang provincial government ay posibleng nagkaroon lang ng kaunting pinsala sa sektor ng agrikultura ang probinsya.
Sa mismong kapitolyo, naramdaman naman ang tama ng bagyo makaraang bumuhos ang ulan at bahagyang mapasok ng tubig ang harapang bahagi nito.
Sa kabila nito, umusbong pa rin ang bayanihan sa kasagsagan ng naranasang pag-uulan sa probinsya habang ang ibang residente ay minabuting itali ang kani-kanilang bahay dahilan para walang maitalang pinsala sa mga kabahayan.
Sa ngayon ay ramdam na ang maaliwalas na panahon sa buong lalawigan ng Batanes.