Pagtangay ng “Salisi Gang” sa Bag ng Isang Nurse, Sapul sa CCTV!

Santiago City, Isabela- Natangay ng anim na hindi pa nakikilalang suspek ang isang shoulder bag ng nurse na naglalaman ng pera at alahas habang kumakain sa isang fastfood chain kamakailan sa Brgy. Victory Norte, Santiago City, Isabela.

Panoorin ang aktwal na Pagnanakaw ng mga ‘Salisi Gang” sa Santiago City

Ang biktima ay nakilalang si Reyshiel Garcia, 28 taong gulang, may asawa, isang nurse, at residente ng Bannawag Sur, Diffun, Quirino.


Batay sa ibinahaging impormasyon ni PCI Reynaldo Maggay ng PNP Station 2 Santiago City base sa kuha ng CCTV footage sa mismong pinangyarihan, inilapag umano ni Garcia ang kanyang bag sa katabing upuan habang siya’y kumakain kasama ang kanyang dalawang kaibigan nang walang kamalay-malay na dinudukot ang kanyang bag ng mga grupong nakaupo sa kanyang likuran.

Matapos kunin ng isang suspek ang bag ni Garcia ay iniabot nito pailalim sa kasamang babae at isa-isang lumabas at umalis ang grupo lulan ang kanilang sasakyan patungong hilagang direksyon.

Nagulat na lamang si Garcia nang malamang wala na ang kanyang bag sa katabing upuan na umanoy naglalaman ng mahigit sampung libong piso (10, 000.00), mga alahas na nagkakahalaga ng mahigit kumulang tatlumpong libong piso (30,000.00), PCR at Company I.D at maging ang kanyang ATM card kaya’t agad na humingi ng tulong sa pulisya.

Iniimbestigahan na ngayon ng pulisya ang nangyaring insidente upang matukoy ang mga suspek at inihahanda na ang kasong kakaharapin ng mga ito.

Facebook Comments