Umaalma si Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate sa pagtanggal ng larawan ng mga bayani sa Philippine banknotes o perang papel ng bansa.
Kamakailan ay inanunsyo ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na babaguhin na ang disenyo ng P1,000 banknote kung saan aalisin na ang mga mukha ng mga bayani ng World War II na sina Josefa Llanes Escoda, Vicente Lim at Jose Abad Santos at papalitan ng larawan ng Philippine Eagle.
Sinabi ni Zarate na hindi naman masama na ibida rin sa perang papel ang flora at fauna ng bansa ngunit hindi naman dapat idamay rito at alisin ang mga bayani na nanindigan at nakipaglaban para sa ating karapatan at kalayaan.
Aniya pa, masama na nga na nagkamali pa ang BSP sa spelling ng scientific name ng agila pero mas malala na binubura pa nito ang mga mahahalagang historical figures na kumakatawan sa tinatamasang kalayaan ng mga Pilipino.
Mistula rin aniyang tinutulungan ng BSP ang ilang mga grupo at indibidwal na nais baguhin ang kasaysayan ng bansa.
Ipinarerekonsidera ni Zarate sa BSP na maibalik ulit ang larawan ng tatlong bayani sa P1,000 bill dahil ang pag-aalis sa mga ito sa pera ng bansa ay nangangahulugang binubura natin ang mga bayani sa ating kaisipan.