Cauayan City, Isabela- Inaaral na ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan ang pag-alis ng mandatory na paggamit ng face shield sa mga open areas sa Lalawigan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Governor Manuel Mamba, idudulog muna nila ito sa Provincial Inter-Agency Task Force.
Bukod dito, pag-uusapan din aniya nila ang pagtanggal sa COVID-19 test requirement para sa mga papasok sa Lalawigan.
Ayon sa Gobernador, hahanapan na lamang nila ng patunay ang isang indibidwal na papasok sa Lalawigan na siya ay ‘fully vaccinated’ samantalang kung hindi pa bakunado ay kailangan lamang magpakita ng negatibong resulta ng antigen test o RT-PCR Test.
Samantala, bumaba na lamang sa 724 ang total active cases ng COVID-19 sa Cagayan mula sa dating mataas na record na 5,000 noong Setyembre 2021.