Pagtanggal ng VAT sa tubig, dapat sabayan ng mas mahusay na serbisyo

Iginiit ni Committee on Public Services Chairperson Senator Grace Poe na kailangang tiyakin ng dalawang pangunahing water concessionaire ang tuluy-tuloy at mabusay na serbisyo ng tubig.

Diin ni Poe, hindi dapat mauwi sa pagbaba ng kalidad ng serbisyo ang pagbaba ng bill sa tubig dahil sa pagtanggal sa ipinapataw ritong 12% Value Added Tax (VAT).

Pahayag ito ni Poe, makaraang sabihin ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Regulatory Office na ang pagtanggal sa 12% VAT sa tubig at waste water service ay minamandato ng Republic Acts No. 11600 at 11601.


Ang nabanggit na mga batas din ang nagbigay ng prangkisa sa Maynilad Water Services Inc. at Manila Water Co. Inc. para magtatag, mamahala at magpanatili ng waterworks system, imburnal at sanitasyon sa kanilang mga sineserbisyuhang lugar.

Ayon sa MWSS, maaasahan ang pagtanggal ng VAT sa bill ng tubig umpisa Marso 21, 2022.

Kaugnay nito ay pinapatiyak ni Poe sa MWSS na patuloy na susunod ang mga distributor ng tubig sa concession agreement para sa tuluy-tuloy na serbisyo lalo na sa tag-init.

Facebook Comments