Pagtanggal ng WHO sa COVID-19 emergency, magreresulta sa mas maraming economic activities

Inaasahan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pagsigla ng mga aktibidad para sa ekonomiya na makakatulong sa pag-unlad ng ating bansa kasunod ng pagtanggal ng World Health Organization (WHO) sa COVID-19 global health emergency declaration.

Para kay Romualdez, ang hakbang ng WHO ay patunay na nagtagumpay ang mga bansa sa buong mundo, kasama ang Pilipinas, sa paglaban sa COVID-19 bagama’t nananatili pa rin itong banta sa kalusugan ng publiko.

Sabi ni Romualdez, dahil wala na ang mga restriction ay mas makakagalaw na ang publiko, at ang pagsigla ng economic activities ay magbibigay daan sa mas maraming trabaho at oportunidad na magkaroon ng dagdag na kita ang mga manggagawa at kanilang pamilya.


Bunsod nito ay iginiit ni Romualdez sa Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force (IATF) na i-adjust o iayon ang ating minimum health protocols alinsunod sa desisyon ng WHO.

Pinapaghanda rin ni Romualdez ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan para sa inaasahang pagdami ng mga turistang bibisita sa ating bansa kung saan magbebenepisyo ang mga tourist destination sa buong bansa at mga lokal na komunidad.

Pinayuhan naman ni Romualdez ang mamamayan na patuloy pa ring mag-ingat sa pamamagitan ng pagsusuot ng face mask kung kinakailangan, palaging paghuhugas ng kamay, pagsasagawa ng physical distancing, pagbukod kung may sakit at pagpapabakuna.

Facebook Comments