Pag-aaralan ng Civil Service Commission (CSC) kung pwedeng alisin pansamantala ang civil service eligibilty para makapag-hire ng mas marami ang gobyerno ngayong marami ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.
Sa budget hearing ng Senado ay sinabi ni CSC Chairperson Alicia dela Rosa-Bala na kanila itong pag-uusapan bagama’t sinasabi sa konstitusyon na bago makapasok sa gobyerno ay kailangang pumasa sa merit and fitness at sa civil service exams.
Ang CSC ay pinapabigyan ng ₱1.79 billion na pondo para sa susunod na taon.
Sa budget hearing ay sinita naman ni Senator Imee Marcos ang CSC dahil sa mataas na job order at contractual na empleyado sa gobyerno na umaabot na sa 721,000.
Ayon kay Bala, 72% nito ay nasa Local Government Units (LGU) kung saan wala silang administrative supervision.
Samantala, umapela naman si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri sa CSC na tulungan si Pangulong Rodrigo Duterte sa paglaban sa katiwalian sa pamahalaan.