Naniniwala ang Civil Service Commission (CSC) na labag sa batas ang ginawang pagtanggap ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa “donasyon” ni former Ilocos Sur Governor Chavit Singson.
Sa Bagong Pilipinas Program, pinaliwanag ni Civil Service Commission (CSC) Commissioner Aileen Lizada na sa ilalim ng Section 7 o prohibited acts and transactions ng RA 6713 nakasaad na mariing ipinagbabawal ang pag-solicit o pagtanggap direkta man o hindi ng anumang regalo at tip bilang pasasalamat, pabor o anumang monetary value mula sa isang indibidwal.
Giit pa ni Lizada, kahit maganda ang intensyon ni Singson sa pag-donate, ay hindi kailangang suklian ng “donasyon” ang pagganap nila sa kanilang tungkulin, dahil bayad na sila ng taumbayan.
Nabatid na tinanggap ng MMDA ang ibinigay na ₱200,000 ni Singson, bilang pabuya raw nito sa paghuli sa kanyang sasakyan na dumaan sa EDSA busway.
Ayon naman kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty. Romando Artes, ito ay kanilang ilalagay sa general fund ng ahensiya.
Samantala, sinabi naman ni Lizada na batay sa panuntunan ang pwede lamang mag-deposito sa general fund ng ahensiya ng pamahalaan ay ang Department of Budget and Management (DBM).
Ang general fund kasi ay ginagamit aniya sa operational services, maintenance and other operating expenses, personnel services at capital outlay.