Ibinabala ni House Deputy Minority Leader at ACT-Teachers Party-list Representative France Castro ang posibleng pagdami ng kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa ating bansa.
Sinabi ito ni Castro makaraang ibasura ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang mga mungkahi na muling lumahok ang Pilipinas sa International Criminal Court o ICC.
Sa tingin ni Castro, layunin ng nabanggit na pasya ni Marcos na protektahan si dating Pangulong Rodrigo Duterte mula sa madugong war on drugs na ipinatupad nito.
Diin ni Castro, proteksyon din ito sa sarili mismo ni President Marcos sa oras na makagawa ito ng paglabag sa karapatang pantao ng mamamayan gayundin ng kanyang mga kritiko at oposisyon.
Dahil dito ay nanawagan si Castro sa taumbayan na maging mapagbantay at masigasig sa pagtatanggol sa karapatang pantao ninuman.
Giit ni Castro, dapat tayong magkaisa at huwag matakot sa anumang uri ng paniniil ng mga nasa kapangyarihan.