Monday, April 13, 2026

Pagtanggi ng Malaysia sa umano’y diesel delivery sa PH, dapat ipaliwanag ng administrasyon — Tiñio

Nanawagan si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tiñio sa administrasyon, partikular kay Energy Secretary Sharon Garin, na magbigay ng paglilinaw kaugnay sa umano’y diesel delivery mula Malaysia.

Ito ay matapos itanggi ng Malaysia ang naunang anunsyo ng Department of Energy (DOE) na nakatanggap ang Pilipinas ng 329,000 bariles o mahigit 52.3 milyong litro ng diesel na binili ng pamahalaan.

Ayon kay Tiñio, mahalagang matukoy kung sino ang nagsasabi ng totoo—ang DOE ba o ang pamahalaan ng Malaysia at ang kumpanyang Petronas—at kung saan talaga nanggaling ang nasabing suplay ng diesel.

Dagdag pa ng mambabatas, posibleng naglabas ng ganitong pahayag ang Malaysia upang maiwasan ang negatibong reaksyon ng kanilang mamamayan, lalo na kung sila rin ay nakararanas ng kakulangan sa suplay.

Binigyang-diin ni Tiñio na dapat malinaw at tama ang impormasyong inilalabas ng DOE hinggil sa pinanggalingan at proseso ng pagbili ng diesel.

Aniya, hindi dapat limitado sa press release ang paliwanag ng administrasyon lalo na kung nagdudulot ito ng kalituhan sa publiko at maaaring makaapekto sa ugnayang panlabas ng bansa.

Facebook Comments