Para kay Senator Imee Marcos, tama at wais na desisyon ang pagtanggi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga panawagan na isuspinde ang excise tax sa langis.
Nagpapasalamat si Marcos dahil kung isususpinde ang excise tax sa langis ay nasa 131-billion pesos ang mawawala sa koleksyon ng gobyerno at maaapektuhan ang lahat ng proyekto at mga basic services nito.
Ipinaliwanag din ni Marcos na bagama’t maliit ang 200-pesos na ayuda kada buwan sa mahihirap na pamilya, ay makatutulong pa rin ito sa pinakamahihirap na pamilya na bumubuo sa halos 50 porsyento ng ating populasyon.
Ang nakikita ni Marcos na solusyon para mabigyan ng ayuda ang mga vulnerable sector ay ang 18-billion pesos na nakalaan sa mga programa sa ilalim ng 20 billion calamity funds.
Tinukoy rin ni Marcos ang sinabi ni Finance Secretary Sonny Dominguez na mayroong 26 billion pesos na makokolekta mula sa Value added Tax sa langis.