Pinuri ng mga sugar stakeholder ang ginawang pagtanggi ni Pangulong “Bongbong” Ferdinand Marcos Jr., na makapag-angkat ng 300,000 metriko toneladang asukal.
Sa isang pahayag, ikinagalak ng Asociacion de Agricultores de La Carlota y Pontevedra Inc. (AALCPI), La Carlota Mill District Multi-Purpose Cooperative (LCMDMPC) at United Sugar Producers Federation (UNIFED) sa pagbasura ng Sugar Order No. SO4.
Ayon kay AACLPI at LCMDMPC General Manager David Alba, ang pangangailangan na mag-import ng karagdagang asukal ay hindi ipinapayo.
Dagdag pa ni Alba, nagpapasalamat sila sa pangulo sa pag-veto ng kautusan dahil limang mill sa Negros Occidental ang nagpatuloy na sa operasyon.
Aniya, inirerekomenda nila kay Marcos Jr., na baligtarin ang utos ng SRA at sa halip ay ilabas ang asukal na ito para sa kapakanan ng mga mamimili at retailer.
Ang AACLPI at LCMDMPC ay mga grupo ng mga nagtatanim ng asukal sa Negros Occidental, ang kabisera ng asukal ng Pilipinas.
Sinabi naman ni United Sugar Producers Federation (UNIFED) President Manuel Lamata, suportado niya ang panawagan ni Senator Imee Marcos na magkaroon ng balasahan sa Department of Agriculture (DA) at sa Sugar Regulatory Administration (SRA) sa gitna ng imbestigasyon sa ilegalidad na order ng asukal.
Matatandaang, kinumpirma ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na iligal ang resolusyon na inilabas ng SRA at walang pahintulot ni Pangulong Marcos na siyang Chairman ng Board ng SRA.