Pagtapyas sa DA budget, magreresulta sa pagdami ng mga nagugutom sa bansa

Ibinabala ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan ang pagkagutom ng mas maraming mga Pilipino kung itutuloy ang planong pagtapyas sa budget para sa Department of Agriculture (DA) sa susunod na taon.

Sinabi ito ni Pangilinan kasunod ng reports na ibinaba ng Department of Budget and Management (DBM) sa P72 billion ang hirit ng DA na P250 billion na pondo sa taong 2022.

Giit ni Pangilinan, mas maraming magugutom kung babawasan pa ang perang ilalaan ng pamahalaan para sa sakahan, pagbababoy, at pangingisda.


Paliwanag ni Pangilinan, nakita na natin sa nakaraang isa’t kalahating taon ng pandemya na kailangan pang pag-ibayuhin ang ating seguridad sa pagkain para makakain lahat ng Pilipino.

Diin ni Pangilinan, kailangang palakasin ang sektor ng agrikultura upang mabigyan nito ng oportunidad na kumita ang mga nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.

Kasabay nito ay inirekomenda ni Pangilinan ang lubos na implementasyon ng Sagip Saka Act na nagtatakda ng sistema ng direktang pagbili ng produkto mula sa mga magsasaka, mangingisda at iba pang food growers sa bansa.

Facebook Comments