Pagtataas ng matrikula at iba pang bayarin sa paaralan sa susunod na pasukan, pinakakansela ng isang mambabatas

Nakiusap si Iligan City Representative Frederick Siao sa Department of Education (DepEd) at sa Commission on Higher Education (CHED) na kanselahin muna ang mga nakatakdang pagtaas sa matrikula at iba pang bayarin sa paaralan sa susunod na school year.

Nababahala si Siao na maraming estudyante ang magda-drop out sa paaralan sa susunod na taon dahil sa epekto ng COVID-19 sa maraming kabuhayan.

Tiyak, aniyang, maraming pamilya ang mahihirapang maghanap ng perang panggastos hindi lang sa enrollment kundi sa iba pang bayarin na naipon sa loob ng isang buwang Enhanced Community Quarantine (ECQ).


Sinabi ni Siao na makatutulong kung hindi muna papayagan ng mga eskwelahan at unibersidad sa bansa ang anumang pagtaas sa school fees.

Bukas din ang kongresista na suportahan ang supplemental budget para sa education vouchers ng mga estudyante mula kinder hanggang kolehiyo sa public at private schools.

Kailangan lang, anyang, magprisinta ng DepEd, CHED, at Department of Budget and Management (DBM) ng kanilang proposal sa Kongreso.

Facebook Comments