Hiniling ni Senate President Juan Miguel Zubiri na itaas ang police visibility sa buong bansa at palakasin ang intelligence gathering ng mga awtoridad.
Ang apela ng senador ay kaugnay na rin sa pamamaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at ang pangamba na kung nagawa sa isang gobernador ang pagpatay ay maaaring danasin din ito ng ibang mas matataas na opisyal ng bansa.
Giit ni Zubiri, hindi lang dapat sa pagtataas ng proteksyon sa mga senador at sa mga opisyal ng pamahalaan ang dapat na gawin ng ating Philippine National Police (PNP) kundi pati na rin ang pagpapaigting sa seguridad ng mga sibilyan.
Para kay Zubiri, kung may mataas na police visibility sa bawat barangay, bayan, at mga siyudad ay madidiskaril ang plano ng mga armadong grupo o mga assassin na gumawa ng karumal-dumal na krimen laban sa mga pulitiko, barangay officials at sa mga ordinaryong law abiding citizen.
Punto ng senador, hindi lang naman sa mga matataas na opisyal ng bansa nangyayari ang karahasan kaya mahalagang gawin ng gobyerno sa buong Pilipinas ang pagpapaigting ng seguridad dahil isa itong paraan para mapigilan ang anumang klase ng krimen.
Ang pagbibigay proteksyon aniya ay para dapat sa lahat nang sa gayon ay ligtas ang lahat ng mga Pilipino na makakalabas at makakauwi sa mga tahanan na walang masamang nangyayari.
Kinalampag din ni Zubiri ang mga law enforcers na itaas ang kanilang intelligence gathering laban sa mga criminal syndicates, gun-for-hire assassins, riding in tandems at mga private armies upang masawata ang anumang balak na krimen opisyal man o sa sibilyan.