5 security detail ni Negros Oriental Gov. Degamo na hindi nag-duty noong paslangin ito, pinagpapaliwanag ng PNP

Pinagpapaliwanag ng liderato ng Philippine National Police (PNP) ang limang pulis na miyembro ng security detail ng napaslang na Negros Oriental Governor Roel de Gamo.

Ayon kay PNP Chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., nais nilang malaman kung bakit hindi pumasok ang mga ito kay Gov. Degamo noong mismong araw na ito ay paslangin.

Sinabi pa ni Azurin na kahina-hinala ang sabay-sabay na pag-absent ng limang security detail ni Degamo lalo na’t batid nila ang banta sa buhay ng gobernador.


Sa ngayon, all accounted naman ang lima at kanila itong ipapatawag.

Kasabay nito, tiniyak ni Azurin na walang mangyayaring cover up sa kanilang imbestigasyon at papanagutin nila ang mga dapat panagutin sa krimen.

Una na kasing lumutang ang posibilidad na nakipagsabwatan umano ang mga pulis sa mastermind sa krimen.

Samantala, ipinaliwanag naman ni Azurin ang deployment ng mga security detail.

Aniya, hindi sabay-sabay ang anim na security detail ni Degamo na nagdu-duty at mayroon silang rotation o shifting.

Maliban dito, si Degamo rin aniya ang personal na namili ng kanyang personal detail.

Facebook Comments