Pagtataas ng sweldo ng mga guro matatagalan pa ayon sa Malacañan

Aminado ang Palasyo ng Malacañan na hindi agarang maibibigay ng Pamahalaan ang pagtataas ng sweldo ng mga pampublikong guro sa bansa.

 

Ito ang sinabi ng Malacañan matapos sabihin kahapon na tutuparin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pangako sa mga guro at naghahanap na ng pondo ang kanyang economic managers.

 

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, base sa impormasyong mula kay Education Secretary Leonor Briones ay aabot sa 150 bilyong piso kada taon ang kakailanganin para tustusan ang 10 libong pisong dagdag sweldo na hinihingi ng mga guro.


 

Sinabi ni Panelo na kailangan pa ng mas mahabang pasensiya ng mga guro para matamasa ang kanilang hinihiling na dag-dag sahod.

 

Paliwanag pa ni Panelo, hindi madaling makakuha ng 150 billion pesos kada taon na tutustos sa dagdag na sweldo ng mga guro at hanggang sa ngayon ay naghahanap pa ng mga paghuhugutan nito.

 

Tiniyak din naman ni Panelo na sa kabila nito ay hindi parin bibitiwan ni Pangulong Duterte ang kanyang pangako sa mga guro.

Facebook Comments