Pagtataas sa minimum wage sa private sector, tatalakayin ngayong Linggo ng Kamara

Muling bubuksan ng Kamara ang usapin sa pagtataas ng minimum wage sa pribadong sektor.

Sa Huwebes (March 17) ay tatalakayin ng House Committee on Labor and Employment ang panukala kaugnay sa pag-institutionalize sa national minimum wage para sa private sector workers gayundin ang posibilidad ng dagdag na sahod.

Noong Pebrero 2020 ay nagkaroon na ng inisyal na pagtalakay ang komite sa pitong panukala kaugnay sa isyu ng taas-sweldo ngunit walang pagkakasundo na nangyari dahil marami pang usapin ang kailangang plantsahin at sinabayan pa ito ng pagsisimula ng mga community restrictions dulot ng pandemya.


Tinukoy sa komite na napapanahon na para itaas ang minimum wage dahil makailang beses na ring tumaas ang presyo ng mga pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan bunsod ng epekto ng pandemya.

Isinusulong din ng komite ang pag-institutionalize sa minimum wage sa private sector dahil hindi na lang sa Metro Manila nararamdaman ang pagtaas sa mga presyo kundi sa buong bansa.

Ipinunto pa na marami sa mga probinsya ang mas mataas pa ang presyo ng langis kumpara sa National Capital Region (NCR).

Imbitado naman sa gaganaping deliberasyon ng komite ang lahat ng stakeholders na may layuning mabalanse ang labor at management habang isinasaalang-alang ang kahalagahan at kapakanan ng mga manggagawa.

Facebook Comments