Nanawagan si Senator Grace Poe sa Malakanyang at mga kapwa mambabatas na magtulungan para maitatag ang Department of National Resilience.
Ginawa ni Poe ang paalala sa harap ng mga bagyo at masasamang lagay ng panahong nararanasan natin, gayundin ang naging pag-alburoto ng Bulkang Taal sa gitna ng pandemya.
Naniniwala si Poe na sa isang taong nalalabi sa kasalukuyang Kongreso ay kaya pang isabatas ang panukala na bubuo sa naturang departamento na mangunguna sa pagtugon ng gobyerno kapag may kalamidad.
Ayon kay Poe, kailangang i-rationalize ang istraktura at proseso ng gobyerno para mabigyang daan ang pagbuo ng Department of Disaster Resilience na nakapaloob sa inihain niyang Senate Bill 124.
Paliwanag ni Poe, ang nasabing departamento ay inaasahang magbibigay ng kinakailangang pamumunong may pananagutan at magtitipon sa iba’t ibang sektor patungo sa isang disaster-resilient ng Pilipinas.
Diin ni Poe, tinatayang may 20 bagyo ang tumatama kada taon sa Pilipinas na nasa Pacific Ring of Fire din kaya nagkakaroon tayo ng madalas na mga pagsabog ng bulkan at lindol.