
Inihain ni Bagong Henerasyon Party-list Rep. Robert Nazal ang House Bill 8528 o panukalang pagtatag ng “Philippine Strategic Petroleum Reserve System.”
Layunin nito na mapalakas ang seguridad sa enerhiya ng buong bansa at maproteksyunan ang ating ekonomiya sa pandaigdigang hamon sa suplay ng langis tulad ng nangyayaring krisis ngayon dulot ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Nakapaloob sa panukala ni Nazal ang pagkakaroon ng gobyerno ng emergency stockpile ng crude oil at petroleum products na magagamit sa panahon ng matinding supply shocks, geopolitical crisis o malalaking sakuna, na nakakaapekto sa availability ng langis.
Kaakibat nito ang pagkakaroon ng isang Strategic Petroleum Reserve Fund na siyang pagkukunan ng pondo sa pagbili at maintenance ng emergency petroleum stocks.
Binigyang-diin ni Nazal na sa panahon ng tumitinding geopolitical tensions at panganib sa pandaigdigang suplay ng enerhiya ay mahalagang magkaroon ang Pilipinas ng malinaw at matibay na mekanismo upang maprotektahan ang ekonomiya at kapakanan ng mamamayan.










