Inirekomenda nina Senators Koko Pimentel at Christopher Bong Go sa Department of Health (DOH) na magtakda ng mga ospital sa metro manila at mga lalawigan kung saan pagsasama-samahin ang lahat ng COVID-19 patients.
Inihalimbawa ni Pimentel ang Lung Center sa Quezon City o kaya ay Research Institute for Tropical Medicine sa Mutinlupa City.
Katwiran ni Pimentel, mas malaki ang tsansang higit na kumalat ang virus at maparalisa ang ibang gawain ng maraming ospital kung kalat kalat ang mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.
Ipinaliwanag naman ni Senator Go, na kung magkakasama sa ospital ang mga COVID-19 patients ay magiging mas madali para sa gobyerno ang pag-monitor sa kalagayan ng mga ito at mababawasan din ang peligro ng exposure sa virus ng ibang pasyente at health frontliners.
Diin pa ni Go, sa ganitong sistema ay hindi rin maaapektuhan ang serbisyo para sa ibang pasyenteng may sakit sa puso, cancer, high blood, diabetes at iba pang karamdaman.
Inihalimbawa naman ni Senator Go ang ipinatupad na ito ni Mayor Sara Duterte sa Davao city kung saan itinalaga ang Southern Philippines Medical Center na siyang tututok sa mga nagpapakita ng mga sintomas ng COVID-19.